Pagpapanatili ng Positibong Pananaw

Written by James Adrian G. Panganiban
Category:

Hindi maikakaliang mahirap ang buhay sa kulungan. Bukod sa pagkawalay sa pamilya, marami pang kaakibat na pagbabagong kailangang makasanayan ang isang tao sa loob ng kanyang bagong mundo.

Sa panahong ito, marahil na panghihinaan ng loob ang isang tao. Normal lamang na malugmok sa kalungkutan subalit sa kabilang banda, maaari namang magkaroon ang isang detainee ng panibagong motibasyon para magbagong buhay.

Sa ganitong sitwasyon natagpuan ni Raul (hindi nya totoong pangalan) ang kanyang sarili nang yanigin ang mundo niya sa pagkakadakip niya sa kanyang bahay na noo’y isang ‘drug den.’ Kwento niya, bagamat hindi siya nagbebenta ng droga, binigyan niya ng permiso ang mga kaibigan niyang magdroga sa kanyang lugar kapalit ng pagkain at minsanang pakikisali sa kanilang bisyo.

Lingid sa kanyang kaalaman, minamatyagan na pala ng mga pulis ang isa sa mga kaibigan niya na naging dahilan sa kanyang pagkakahuli isang umaga kasama ang apat pang mga suspek.

Sa pagkakataong ito, unang pumasok sa isipan ni Raul ang takot. “Sabi ko patayan na sa loob to. Kasi ang portrayal ng media sa loob, bugbugan suntukan kailangan matatag ka,” aniya.

Gayunpaman, hindi niya sukat akalain na ang kanyang paglagi sa Quezon City Jail pala ang magiging hudyat ng lubusang pagkilala niya sa kanyang sarili.

The Lord works in mysterious ways

Para kay Raul, unang hakbang sa pagtanggap sa kinahinatnan niya ang pagkakaroon ng bukas na isipan. Bagamat marami siyang maling desisyong pinagsisihan, mas pinili niyang tanggapin na lamang na nagkamali siya.

You have to learn to accept na mayroon kang mistakes. Huwag mo ilugmok ang sarili mo. Learn from it. Learn from your mistakes,” kwento niya.

Dagdag pa ni Raul, dahil din sa karanasang ito kung kaya’t higit pa niyang nakilala ang Panginoon. Isa ito sa mga rason kung bakit agad niyang nabago ang persepsyon niya sa kanyang kalagayan. Naiintindihan niya na dahil wala siyang dalaw, tanging sarili niya lang ang maaasahan niya.

Bahagi sa pagturing niya sa kanyang pagkakakulong bilang isang oportunidad para magbago ang pakikilahok niya sa mga gawaing pwede niyang salihan gaya ng pagiging paralegal coordinator.

Dito, nagamit niya ang kanyang pinag-aralan upang makatulong sa kanyang mga ka-kosa na mapabilis ang kanilang paglaya. Dahil rin dito, nalaman niya ang tungkol sa programang Focused Re-integration of Ex-Detainees (FRED) ng Humanitarian Legal Assistance Foundation.

At kahit na noong umpisa’y nahikayat lamang siya dahil sa libreng pagkain tuwing Biyernes, hindi naglaon ay naging bukal sa loob niya ang pagsali sa mga bible sharing at ang pakikilahok sa alternative learning system.

Natulungan si Raul ng programang FRED hindi lamang para magkaroon ng motibasyon kung hindi para muling mangarap para sa kanyang kinabukasan. Aniya, “ang tao pag hindi na nangangarap ‘yun na ‘yung end.”

Isa ito sa mga problemang kinaharap niya sa loob kung saan may mga kasama siyang mas pinipili na lamang na manatili sa kulungan sa halip na magpakabuti upang makalaya. Isa rito ang kanyang ka-kosa na ayaw nang lumabas sa paniniwalang wala na siyang buhay na babalikan pa sa labas. Kwento ni Raul, dalawang taon na dapat siyang laya pero sa tuwing tinatawag ang pangalan nito ay hindi siya tumutugon. Dagdag pa niya, may mga kakilala siyang lumaya na ngunit mandudukot sa labas para makulong sila ulit.

Sa mga pagkakataong ito napapaisip si Raul kung paano babaguhin ang mga taong tulad nila na sumuko na sa buhay. “Uy, okay ka lang mas gusto mo sa loob? Hindi yan ang mundo. Ang mundo nasa loob,” tanong niya.

Gayunpaman, hindi siya sumuko na tulungan ang mga ka-kosa niya. Para matulungan sila, inudyok niya ang mga kasama niya na magpursige para makamit ang mga bagay na nagbibigay sa kanila ng motibasyon para makalaya gaya ng kagustuhang makita ang pamilya nila.

Bucket List

Ngayong nakalaya na siya, nakatuon na ang atensyon ni Raul sa kanyang pamilya. Mas binibigyang importansya niya kung paano siya makakabawi sa kanyang tatlong anak na ngayo’y nasa Sultan Kudarat matapos niyang mawalay sa kanila ng limang taon.

Nagpatuloy siya sa senior phase ng programang FRED kung saan nakilahok siya sa mga sharing para mapanatili ang bago niyang pananaw sa buhay. Ang mga natutunan niya dito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi na niya alintana ang mga pasaring ng ibang tao tungkol sa kanyang nakaraan.

Ayon kay Raul,kailangan lang ng tamang mindset dahil para sa kanya, siya dapat mismo ang makisama sa mga taong nakakasalamuha niya.

“Kung wala silang pang-unawa ako, ‘yung uunawa,” sabi niya.

Isa pa sa mga naitulong ng programang FRED kay Raul ay ang house visit kung saan nakilala niya ang BCPC ng kanyang barangay na naging dahilan naman para mas mapadali ang pagkakaroon niya ng barangay ID.

Sa ngayon, apat na buwan na siyang nagtatrabaho bilang call center agent sa isang BPO company noon pang Oktubre ng 2018. Sa edad na 42, dream job na niyang maituturing ang pagiging call center agent sapagkat ito ang industriyang hindi tumitingin sa kanyang edad o itsura.

Pasok ito sa kanyang bucket list kasama ang ilan pa niyang pangarap tulad ng mag sky jumping at maihatid sa altar ang nag-iisa niyang anak na babae. Nais din niyang maibahagi ang mga natutunan niya sa kanayng buhay sa kanyang mga anak at dalangin niya na huwag silang matulad sa kanya.

“Huwag na kayo maghanap kasi ako ang perfect example kapag ‘di kayo nagseryoso sa pag-aaral niyo,” aniya.

Sa dami na ng napagdaanan ni Raul, maihahalintulad niya ang kanyang sarili sa isang matibay na puno gaya ng Acacia o Narra na kahit papaano ay hindi na basta-basta matitibag ng bagyo.

Biro nga niya, sana lahat magkaroon ng pagkakataon na maranasan ang tumira sa loob.

###